Sunday, July 15, 2012

Mirror, mirror...


This happened 22 years ago but I can still remember it lucidly (Parang it happened five minutes ago lang. hahaha!) Anyway, here’s the story:

Kakagising lang namin ng sisterette  ko nun, mga bandang  4 ng hapon (Kasi yung lola namin nagwawala kapag wala kaming siesta kaya ayon wala kaming magawa kung ‘di pumikit at magkunwaring natutulog hanggang sa tuluyan na nga kaming maidlip). Nag-iinuman sina Pudra sa labas kasama ang mga kumpare nyang walang magawa sa buhay kundi ang lumaklak ng alak at tumira ng pulotan. Palibhasa bagong dating si Papey galing abroad ng mga panahong iyon at marami pang anda! Kaya ayun! Todo lagok ang mga batugan.

Paglabas namin nang bahay ay naglalaro ang ibang pinsan namin sa labas ng piko (mga apat silang mga malalanding batang babae!). Sasali na sana kami nag biglang nag-iba ang peg nang mga mujer! Gustong maglaro ng “Miss Universe” at  eto pa ang matindi- dapat daw kasali ako! Tumanggi ako nung una kaso ayaw nilang pasalihin si sisterette pag hindi ako sumali kaya nagalit si sisterette sabay sambit na sasali ako (ang kakapal nang apog nang mga babaeng yun hindi man lang natakot na kabogin ko sila!).

Kaya ayon “May I roll-up my purontong hanggang maging panty-shorts ang dating” mode ako. I was Candidate #5 representing Brazil at todo rampa ako sa may gilid ang kalye sa tapat nang bahay namin. Kung sa rampa lang, wala silang binatbat sa’kin! Taob na taob ang mga lola! 

Kasunod na yung talent portion at lahat nung nauna sa’kin ay kumanta. Para maiba ako, pinili kung sumayaw ng lambada. Naaalala ko tuwang-tuwa sila habang nagsasayaw ako. Todo kembot at sipa ang beki ng may biglang humablot sa kamay ko sabay hampas nang malakas sa pwet. Biglang tigil ako at napalingon. Kasindak-sindak ang mukha ni Pudra nang nakita ko sabay sigaw sa akin ng “Paaasssooooookkkkk!!!!”. Hindi pa nakuntendo at panay hampas pa sa pwet ko habang papasok kami sa loob ng bahay.

Ang sermon ni Fatheeer: “Bakit ka sumasali dun? BAKLA ka ba? Hindi ka bakla! Lalaki ka! Lalaki!”. Iyak ako ng iyak nun kasi masakit na masakit ang pwetan ko sa lakas nang hampas nang kamay niya. Medyo may kalasingan na din kasi si Papsey nuon. Gusto kung sumagot nang “Akala mo lang lalaki ako pero hindi! Hindi! Hindi!” (Vilma Santos at Carlo Aquino lang naman sana ang peg! Hahaha!). Pero wala na akong magawa nang sumigaw na ng pautos ang Papa Chen ng “Akkyyaaaattttt!!!”.

Dun sa kwarto sa itaas binuhos ko ang sama nang loob ko. Dun ko unang nalaman na sadyang iba ako. Iba ako pero hindi ito maintindihan nang ama ko. Pero ano ang magagawa ko? Anak lang ako at dapat akong sumunod sa kanila. Kaya lang, pano ako bilang ako? Sino ba ang dapat na sumaya at sino ang dapat na mamroblema? 

Sa kalagitnaan nang pagngawa ko napatingin ako sa salamin. Tumayo ako at napatigil sa pag-iyak… Ngumiti. (Baliw?!).. Tinitigan ko ang aking sarili sa salamin at sinimulan kung sumayaw ulit ng lambada. Dun, sa loob nang kwarto natapos ko ang aking “talent portion”. Wala mang ibang nakakita pero alam ko walang sinabi ang mga batang babae sa labas na lantarang ipinapakita ang kanilang galing sa natatago kung galing. Ang galing at tunay kong pagkatao na nailabas at na-appreciate ko… sa harap ang salamin sa loob nang kwarto!

P.S.   I may sound so gay in this writing but trust me, you would never hear me say these words in person. Nagagamit ko lang ang mga kaek-ekan na mga salitang ito within the confines of this blog. Hahaha… 

No comments:

Post a Comment